Kalam Kalam
Profile Image
Johnny Roquero
6 days ago

Ang Tunog ng Piko

Tuwing Semana Santa, halos nauubos ang tao sa baryo ng San Rafael. Tahimik, malamlam ang araw, at tila may bumabalot na kalungkutan sa hangin. Ang mga matatanda’y halos hindi lumalabas ng bahay, at ang mga bata’y pinaiiwas sa paglalaro sa labas. May dahilan kung bakit tila humihinto ang buhay sa baryong iyon tuwing mga banal na araw. At iyon ang natuklasan ni Clara, nang bumalik sila ng kanyang pamilya sa lumang bahay ng kanilang Lola Ising. “Ma, sigurado ka bang okay lang dito sa lumang bahay?” tanong ni Clara habang binubuksan ang gate ng bakuran. Puno ng damo ang paligid, at may tunog ng uwak na humuhuni sa di kalayuan. “Dito tayo lumaki, anak. At ito rin ang huling hiling ng Lola mo bago siya bawian ng buhay—na maalala natin ang pinagmulan natin,” sagot ni Aling Teresa, ina ni Clara. Kasama nila ang nakababatang kapatid na si Benjo, siyam na taong gulang at mahilig sa mga kwentong multo, pati na rin ang kanilang ama, si Mang Rod, na tila hindi kumbinsido sa bakasyon na ito. Pagkapasok sa loob ng bahay, dama agad ni Clara ang bigat sa paligid. Parang may matang nakamasid sa bawat sulok. Bagamat may liwanag mula sa bintana, may aninong di maipaliwanag na dumudungaw sa mga larawan ng mga ninuno. Kinagabihan, matapos ang hapunan, napag-usapan nila ang mga alamat ng baryo. “Ano raw ang sabi ng mga matatanda?” tanong ni Benjo habang ngumunguya ng tinapay. “Wag mo na yang alamin,” sagot ng ama nila. “Lumang kwento lang ’yon.” “Yung Tagahukay, ‘di ba?” sabat ni Clara, na may naaalalang bulong ng matatanda noong bata pa siya. Napatingin si Aling Teresa sa kanya. “Basta’t tuwing Semana Santa, wag kayong lalabas kapag lumalim na ang gabi. Lalo na kung may marinig kayong tunog… ng piko.” “Piko?” tanong ni Benjo. “Oo,” sagot ng ina. “Kapag narinig mo ang tik… tik… tik sa ilalim ng bahay, huwag kang gagalaw. Huwag kang sisilip. At kung may mawala sa inyo pag-umaga… wag n’yong hanapin. Dahil may ililibing na ang Tagahukay.” Unang gabi pa lang, hindi na makatulog si Clara. May kung anong humahaplos sa likod ng kanyang isipan—isang panaginip kung saan may matandang lalaki, may takip sa mukha, at may hawak na kinakalawang na piko, nakatitig sa kanya habang may nililibing sa ilalim ng kama. Nagising siyang pawis na pawis. Gabi pa, alas dos ng madaling araw. Tahimik. Hanggang sa narinig niya ito. TIK… TIK… TIK… Mula sa ilalim ng kahoy na sahig ng lumang bahay, dahan-dahang lumalalim ang tunog. Parang may hinuhukay. Parang may sinusundot ang lupa. At may kasama itong mahihinang pag-ungol. Nagtakip siya ng kumot. Pinikit ang mga mata. “Panaginip lang ito… panaginip lang…” Sa umaga, wala na si Benjo. Hindi nila maipaliwanag kung paanong basta na lang nawala ang bata. Nakasarado ang mga bintana. Wala ring senyales ng pwersahang pagpasok o paglabas. Pero sa bakuran sa likod ng bahay, may sariwang hukay. Isa lang. Tumawag sila ng pulis. Naghanap. Wala. Pero nang dumaan ang kapitan ng barangay, isa lang ang sabi nito: “Dapat hindi kayo naglagi dito ng Semana Santa. Baka kayo na ang kasunod.”

Please log in to comment.

More Stories You May Like