BABALA: ANG KUWENTONG ITO AY HANGO SA MGA PANGYAYARI SA TUNAY NA BUHAY Noong ako ay pitong taong gulang pa lamang, malaking kasiyahan para sa akin ang bumisita sa aming kapitbahay na si Mang Lando, ang matandang binata na mag-isang nakatira sa tabi ng tindahan di kalayuan sa aming bahay. Sa harapan ng kanyang tahanan, may nakatindig na malaking puno ng suha na laging mayabong ang mga sanga at puno ng hinog na bunga. Hindi ko inalintana ang maraming pagkakataon na namimitas siya ng suha upang ialok sa akin, kasabay ng bente pesos na nagpapasaya sa aking musmos na puso. Sa bawat kagat ko ng matamis na suha, tila ako’y napapalayo sa mundong nakapaligid sa akin. Ngunit sa ilalim ng punong iyon, sa bawat pagpunta ko roon, may nararamdaman akong hindi ko maipaliwanag—isang lamig na bumabalot sa akin, dumadampi sa aking balat, umaakyat sa aking leeg, at bumabalot sa aking buong katawan sa isang nakakikilabot na yakap. Ipinagkibit-balikat ko lang ito, iniisip na marahil ito ay ang malamig na hangin o guni-guni ko lamang. Nagpatuloy ang aking pagbisita at lalo akong naging komportable kay Mang Lando. Umuupo ako sa kanyang tabi; siya ay mabait sa lahat, at palagi akong nauupo sa tabi niya habang kinakain ang prutas na kanyang pinitas. Ngunit ang pakiramdam na iyon ay patuloy na lumalakas. Parang may kung anong humahawak sa akin mula sa likod habang nasa ilalim ako ng puno—isang pakiramdam na nadadala ko hanggang sa aking pagtulog. Pagkatapos, nagsimulang sumiksik ang mga haplos sa aking mga panaginip. Sa mga panaginip na iyon, bumabalik ang mga madilim na alaala—ako ay nasa ilalim ng puno ng suha, nakatitig sa mga sanga na puno ng bunga, nang bigla kong maramdaman ang mga kamay ng isang aninong hugis lalake. May kilabot na dumadaloy sa aking gulugod tuwing gumagalaw ang kanyang mga daliri, mula sa gilid ng aking leeg hanggang sa aking mga braso, ang bigat ng kanyang mga kamay ay tila sumasakal, pinipiga upang higpitan ang aking paghinga. Napakatindi ng mga pakiramdam na ito, para bang totoo itong nangyayari sa kasalukuyan. Pagkagising ko, bumabalik ang bigat ng kanyang kamay at ang lamig nito ay muling bumabalot. Hindi ito nawala sa akin kahit ako ay tumanda na. Ang mga nagdaang gabi ay parang mga anino na palaging humahabol sa akin, laging nagpapaalala, na parang mapait na alaala. Matagal nang pumanaw si Mang Lando. Naiwan ang kanyang bahay sa kanyang mga pamangkin kaya hindi na ako nakabalik doon. Ngunit kahit na tumigil na akong pumunta roon, sa bawat haplos, tila nakaukit ito sa aking balat—isang marka na hindi kayang burahin ng panahon. Ngayon, sapat na ang aking edad upang maunawaan ang lahat. Hindi ito mga hangin o imahinasyon lamang. Ang lahat ng ito—ang suha, ang bente pesos, at ang “Mabait si Lolo”—ay mga palamuti lamang ng isang masakit na alaala. Ang tila hangin na humahaplos sa akin, ang anino ng lalakeng dumadalaw sa aking panaginip, at ang pakiramdam ng nakakapanindig balahibog mga hawak sa akin. Hindi ito maligno o ano mang lamang-lupang nakatira sa puno ng suha, kundi ang taong nagmamay-ari ng bahay at punong iyon— si Mang Lando. Hindi ko na kayang ilihis ang aking isip mula sa katotohanan. Ang matandang taong itinuring kong kaibigan ay inabuso ang aking kawalang-malay. 𝐇𝐚𝐧𝐠𝐠𝐚𝐧𝐠 𝐧𝐠𝐚𝐲𝐨𝐧, 𝐧𝐚𝐫𝐚𝐫𝐚𝐦𝐝𝐚𝐦𝐚𝐧 𝐤𝐨 𝐩𝐚 𝐫𝐢𝐧 𝐚𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐡𝐚𝐩𝐥𝐨𝐬 𝐧𝐚 𝐢𝐲𝐨𝐧, 𝐚𝐧𝐠 𝐦𝐚𝐥𝐚𝐦𝐢𝐠 𝐧𝐚 𝐦𝐠𝐚 𝐤𝐚𝐦𝐚𝐲 𝐧𝐚 𝐭𝐢𝐥𝐚 𝐬𝐮𝐦𝐚𝐬𝐚𝐤𝐚𝐥 𝐚𝐭 𝐛𝐮𝐦𝐚𝐛𝐚𝐥𝐨𝐭 𝐬𝐚 𝐚𝐤𝐢𝐧. Sa bawat gabi, sa bawat panaginip, ang aninong iyon ay hindi ako nilulubayan—isang multo na nagmumulto sa aking balat, sa aking alaala, at sa bawat gabing ako’y natutulog, hinahatak ako pabalik sa ilalim ng puno ng suha, pabalik sa mapait na alaala ng isang kamusmusang ninakaw. Ngayon ako may asawa’t-anak na, batid kong hindi ko na maiaalis sa akin ang pakiramdam na iyon habang buhay. Patuloy at paulit man akong aliwin ng aking asawa at ipaalala sa aking wala akong kasalanan sa nangyari, alam kong hindi ko na malilimutan ang multo ng nakaraan na sumira sa akin at nagbigay sa akin ng pangamba. Ngayong may anak na akong babae, sisiguraduhin kong poprotektahan ko siya. Hindi lamang sa maligno, aswang o kahit anong lamang lupang kinatatakutan ng ibang tao, kundi pati sa mga taong halang ang bituka at kayang bumaboy sa kapwa nila tao. - 𝗧𝗛𝗘 𝗘𝗡𝗗.
Please log in to comment.